Human Security Act of 2007: KONTRA MAMAMAYAN!
Pebrero 23, 2007
Mariing kinokondena ng Ilocos Human Rights Advocates (IHRA) – KARAPATAN at ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) - Ilocos ang pagkakapasa ng Human Security Act of 2007 (HSA) o Anti-Terrorism Bill sa dalawang kapulungan ng Kongreso kamakailan lang. Sa kabila ng mga pagbabagong ginawa ng mga mambabatas upang diumano’y maprotektahan ang mamamayan, nananatili pa ring armas ito ng rehimeng US-Arroyo upang lipulin ang pampulitikang oposisyon partikular na ang mga lehitimo at demokratikong organisasyon ng mamamayan.
Alinsunod sa disensyong digma kontra terorismo ng Estados Unidos, ang HSA ay pinakete mula sa US Patriot Act na naglalayong isulong pa nang mas maigting ang diumano’y pandaigdigang giyera laban sa terorismo. Ito ay inendorso na ”priority bill” ni Gloria Arroyo kapalit ng tulong-militar ng
Sa depinisyon pa lamang ng HSA sa “terorista" bilang: “…sowing and creating a condition of widespread and extraordinary fear and panic among the populace in order to coerce the government to give in to an unlawful demand” nagpapakita na kahit yaong nakikisali sa mga aksyong masa upang humiling ng mga lehitimong panawagan gaya ng dagdag sahod, hustisya at katarungan ay mapaparantangang terorista. Dito makikita nang hindi maka-mamamayan ang batas at tahasang nilalabag nito ang nakasaad sa Bill of Rights. Sa ilalim ng Sec. 19 ng HSA, ang isang pinaghihinalaang terorista ay maari ring ikulong ng lampas sa 3 araw o 72 oras kahit sa utos lamang ng isang opisyal ng isang munisipalidad o probinsiya kahit ang naturang opisyal ay walang konstitusyonal na kapangyarihan upang iutos ang pagkaditine ng isang pinaghihinalaang indibidwal. Sa Sec. 26 naman, direkta nitong nilalabag ang karapatan sa “due process” dahil kahit walang matibay na ebidensiya ng pagkakasala ay iniaatas ang “house arrest” kahit pa makapagpiyansa ito. Linalabag din ng naturang seksyon ang proteksyon laban sa “excommunicado detention” dahil binabawalan ang kahit na sinong pinaghihinalaan na magkaroon ng komunikasyon sa kahit na sino at anupamang kaparaanan.
Bukod pa dito, ang HSA ay saliwa sa karapatan laban sa “double jeopardy”, dahil ang mga paglabag na tinutukoy sa naturang batas ay yaong mga kasong nakasaad na mismo sa Revised Penal Code.
Ang HSA ay sasagasa sa right to privacy at ililigalisa ang lahat ng porma ng surveillance. Sa pamamagitan ng institusyunalisasyon ng surveillance sa mga progresibong indibidwal at organisasyon, ang HSA ang siya pang magdudulot nang mas ibayong paglala ng pag-abuso sa karapatang pantao. Pinahihintulutan ng nasabing batas na maging malawakan ang panghihimasok sa buhay ng mga pinaghihinalaang terorista tulad ng paghawak sa bank accounts, pagkuha at paggamit ng mga records nito at sa mga ‘kasabwat’ nito at maging ang panghihimasok sa komunikasyon tulad ng wire-tapping na siyang ginamit noong 2004 kay GMA sa kanyang malawakang pandaraya.
Ang HSA ay hindi isang batas na dinisenyong lipulin ang mga mapangwasak na terorista na gumagawa ng karahasan sa mamamayan kundi ang naturang batas ay ligal na armas ng estado laban sa mga ligal at progresibong organisasyon, indibidwal na nagsusulong ng kilusan para sa pagbabago na siyang inihahalintulad nito sa mga rebolusyonaryong pwersa. Ang HSA ang magsisilbing lisensiya ng estado upang sagad-sagaring bigyan ng ligal na mukha ang mga pang-aabuso nito.
Ito rin ay armas ng rehimeng US-Arroyo upang wasakin ang usapang pangkapayaan sa pagitan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), Moro National Liberation Front (MNLF) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Mula pa noong ideklara ng rehimeng Arroyo ang Communist Party of the Philippines (CPP) at New People’s Army (NPA) bilang mga teroristang organisasyon, naging pasaporte na ito ng gobyernong Arroyo upang maghasik ng lagim sa mamamayan gamit ang Oplan Bantay Laya I at Oplan Bantay Laya II. Ang inilulunsad na programa ni Gloria kontra-insurhensya ay naging daan upang umabot sa mahigit 800 ang bilang ng mga pinapaslang at 200 na bilang ng mga sapilitang nawawala.
Hindi maipagkakailang naging biktima ng matinding terorismo ng estado ang mamamayan ng Ilocos. Nasaksihan ito ng mamamayan sa pagpaslang kina Pepe Manegdeg, Romy Sanchez, Ananias Halican at sa panghaharass sa mga magsasaka at taong-simbahan. Tinatayang 20 na ang mga naging biktima ng paglabag sa karapatan sa buhay noong 2006 at maaring humaba pa ang listahang ito.
Samakatwid, ang HSA ay hindi para sa kabutihan ng mamamayan at proteksyon nila laban sa terorismo kundi layunin nitong i-terorisa mismo ang mga mamamayan upang pigilin ang alimpuyo ng pakikibaka tungo sa pagbabago. Ang HSA ang siya mismong mukha ng karahasan at pasismo ng estado na desperadong gawin ang lahat upang makapagpanatili sa kapangyarihan.
Ibasura ang Human Security Act of 2007!
Labanan ang Terorismo ng Estado!
PATALSIKIN ANG PAPET, PASISTA AT PAHIRAP SA MASANG SI GMA!
Katarungan para sa lahat ng biktima ng terorismo ng estado!